Danny Arao logo
Danny Arao online
Danny Arao online
Danny Arao online
HOME > Selected Writings > Pinoy Weekly > Ang Petron, desperasyon at deregulasyon (23-29 July 2003)

Pinoy Weekly logo; click image to go to list of articles

LIST OF ARTICLES

Ang Petron, desperasyon at deregulasyon

Ni Danilo Ara�a Arao
Pinoy Weekly (Vol. 2, No. 21, 23-29 July 2003), p. 2

Masusing pinag-iisipan ngayon ng administrasyong Arroyo ang pagbebenta ng 3.75 milyong "government shares" sa Petron Corporation na nagkakahalaga ng P6 bilyon. Nangangahulugan ito ng pagbibitiw ng pamahalaan sa 40% kasalukuyang pagmamay-ari nito sa Petron.

Sa panahong ang depisito sa badyet ay malamang na umabot sa P202 bilyon ngayong taon, nagiging desperado na ang administrasyon sa paghahanap ng pondo para matugunan ang lumolobong gastusin nito.

Bukod sa pangungutang at pagpapataw ng mga buwis, ang pribatisasyon ay isang paraan para makakuha ng kinakailangang pera.

Sa katunayan, napabalitang ibebenta na rin ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang "sequestered shares" ng pamahalaan sa 26 korporasyon.

Matatandaang binuo ang PCGG noong 1986 para mabawi ang mga diumanong ninakaw na yaman ng mga Marcos. Isinagawa ang "sequestration" o muling pagkuha ng pamahalaan sa mga "shares" sa ilang korporasyong dating pagmamay-ari ng mga Marcos at ng mga malalapit na kamag-anak at kaibigan nila.

Bagama't hindi pa alam ng PCGG kung magkano ang aktwal na halaga ng lahat ng "sequestered shares" na planong ibenta, ang 8.4 milyong "shares" ng pamahalaan sa Chemfields, Inc. ay nagkakahalaga na ng P205 milyon; at ang 12,445 "shares" ng pamahalaan sa Oceanic Wireless Network, Inc., P80.27 milyon.

Ang planong tuluyang pagbebenta ng Petron sa pribadong sektor ay hindi lang usapin ng pera. Sa konteksto ng polisiya, ito ay isang inaasahang pangyayari sa rehimen ng deregulasyon ng industriya ng langis.

Maikling kasaysayan ng Petron at tubo nito

Ang Petron Corporation ay binuo noong 1973 bilang marketing arm ng Philippine National Oil Company (PNOC).

Dati itong pag-aari ng gobyerno at layunin nitong makipagkompetensya sa mga dayuhang kompanya ng langis tulad ng Pilipinas Shell at Caltex na nagsimula ng operasyon sa bansa noong 1914 at 1921. Ang iba pang kompanya ng langis ay tumigil ng operasyon noong 1973 (Esso at Filoil), 1980 (Getty) at 1983 (Mobil).

Noong 1993, nagsimula ang pribatisasyon ng Petron nang ibenta ang 40% ng kabuuang "equity" nito sa Arabian American Oil Company (ARAMCO). Bukod pa rito, may 20% "equity" na ibinenta sa pribadong sektor sa pamamagitan ng initial public offering (IPO).

Mula 1992 hanggang 2002, umabot ng P27.3 bilyon ang tubo ng Petron. Maliban sa mga taong 1997 at 2000 na kung saan iniulat ng kompanya ang pagkalugi, ang tubo nito bawat taon ay mula P1.2 bilyon hanggang P7.5 bilyon. (Tingnan ang Talahanayan)

Tubo ng Petron Corporation
1992-2002, sa bilyong piso
1992 1.5
1993 2.8
1994 7.5
1995 4.0
1996 4.2
1997 (0.6)
1998 3.7
1999 2.4
2000 (1.0)
2001 1.2
2002 1.6
TOTAL 27.3
Pinaghalawan: Securities and Exchange Commission, maliban sa datos ng 2002 na batay sa mga pahayag sa midya

Pagsusuri sa ARAMCO, may-ari ng 40% ng Petron

Matatandaang ang ARAMCO ay binuo ng Standard Oil of California (SOCAL) at Texas Corporation (TEXACO) noong maagang bahagi ng dekada trenta (early 1930s). Ang iba pang dambuhalang korporasyong Exxon at Mobil ay nag-"invest" din sa ARAMCO. Ang huli ay siyang nagpapatakbo sa Ghamar Field sa Saudi Arabia, ang pinakamalaking oil field sa buong mundo.

Sa panahong iyon, sabi ng mananaliksik na si Michael Tanzer, binuo ang ARAMCO para kontrolin ang langis sa Saudi Arabia. Subalit noong 1975, nagkaroon ng 40% kontrol ang bansang Saudi Arabia sa ARAMCO, ayon sa isang pag-aaral noong 1982 ng IBON Foundation.

Pagsilip sa deregulasyon

Ang deregulasyon ng industriya ng langis ay nangyari noong Abril 1996 sa pamamagitan ng Republic Act (RA) No. 8180. Subalit idineklarang hindi konstitusyonal ang batas na ito ng Korte Suprema noong Nobyembre 1997. Ayon sa mga mahistrado, may mga probisyong hindi nagtataguyod ng malayang kompetisyon, tulad ng pagkakaroon ng minimum na imbentaryo ng langis para sa lahat ng kompanya at ang mas mataas na buwis sa mga inangkat na produktong petrolyo kumpara sa inangkat na krudo.

Noong Pebrero 1998, nilagdaan ang RA 8479, ang ikalawang batas sa deregulasyon ng industriya ng langis. Ang batas na ito ang siyang batayan ng kasalukuyang rehimen ng deregulasyon.

Sa mata ng administrasyon, kailangan ang deregulasyon para mawala ang pulitika sa pagtatakda ng presyo ng langis. Madalas sabihin ng mga opisyal na dapat masanay ang mga tao sa pagbabago ng presyo ng mga produktong petrolyo sa ating bansa ayon sa kalagayan ng palitan ng piso sa dolyar at presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan.

Para sa kanila, ang kompetisyon sa pagitan ng mga kompanya ay magbubunga ng mas mababang presyo at mas mahusay na serbisyo. Sa bandang huli, ang konsumer daw ay makikinabang dahil darami ang kanyang pagpipilian.

Kung iuugnay sa globalistang hangarin ng administrasyong Arroyo, ang patuloy na 40% pagmamay-ari ng gobyerno sa Petron ay isang balakid sa malayang kompetisyon.

Dahil nais ng pamahalaan ang minimal na interbensyon sa ekonomya, ang pribatisasyon ay isang instrumento bilang pagbibigay kapangyarihan sa pribadong sektor, kabilang ang mga dayuhang mamumuhunan, sa pagkontrol ng iba't ibang larangan ng ekonomya.

Pagsasabansa bilang alternatibo

Sa pagsusuri ng kalagayan ng Petron, hindi maiiwasang banggitin ang alternatibong ipinaglalaban ng iba't ibang progresibong grupo --- ang pagsasabansa sa industriya ng langis.

Para sa mga batayang sektor ng lipunan, sa halip na hayaan ang mga dayuhang kompanya ng langis na magtakda ng presyo at gawin ang anumang nais nila, kailangang ilagay sa kamay ng estado ang operasyon ng industriya ang langis.

Isa sa mga kagyat na panawagan ay ang pagbabalik ng Petron sa kontrol ng gobyerno. Ayon sa mga progresibong grupo, maaaring magsilbi itong "check and balance" sa mga itinatakdang presyo ng mga dayuhang kompanya ng langis habang hindi pa tuluyang naisasabansa ang industriya ng langis. Subalit ito ay batay sa argumentong magiging mahusay ang pangangasiwa ng Petron.

Malinaw na ang napapabalitang pagbebenta ng "government shares" ng Petron ay mas malalim pa kaysa usapin ng pera at lumolobong depisito sa badyet.

Ang polisiya ng pamahalaan ay may malinaw na hangaring hayaan ang mga dayuhang magkontrol sa isang napakaimportanteng industriya.

Si Danny Arao ay katuwang na propesor (assistant professor) ng pamamahayag sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman at miyembro ng Lupon ng mga Patnugot ng Bulatlat.com, isang alternatibong website.

HOME > Selected Writings > Pinoy Weekly > Ang Petron, desperasyon at deregulasyon (23-29 July 2003)

Page last updated: 15 February 2004
All rights reserved.
� 1999-2004 / Danilo A. Arao